Mga Immigration agent bawal nang umistambay sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 06:16 PM


MAYNILA — Pinagbawalan na ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang mga tauhan na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na umistambay at magbigay ng anomang tulong sa mga pasahero, sabi ng ahensiya nitong Biyernes. 

Ayon kay BI port operations division chief Grifton Medina, alinsunod ang bagong memorandum sa isang office regulation 8 taon na ang nakararaan. 

Papatawan ng disciplinary sanctions at posible pang maharap sa mga kasong administratibo ang lalabag sa bagong memo. 

Bukod sa pag-istambay, hindi na rin maaaring gumala sa iba't ibang immigration areas ang mga opisyal ng ahensiya, at dapat silang manatili sa lugar kung saan sila itinalaga. 

Ipinag-utos na rin daw ni BI commissioner Jaime Morente na pawang mga empleyado na lang ng BI ang maaaring pumasok sa Immigration areas ng NAIA. 

Ito ay upang maiwasan ang insidente noong 2014 kung saan isang Indian national ang naaresto matapos magtangkang pumasok sa immigration area suot ang isang airline ID at reflectorized vest.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.