5 pagpatay, naitala sa 1 araw sa Negros Oriental

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 01:36 AM

NEGROS ORIENTAL - Maraming naitalang pagpatay at karahasan ang probinsiya ng Negros Oriental nitong Huwebes lamang na nagdulot ng panukalang magdeklara ng martial law sa lugar.

Sa Barangay Tampocon II sa bayan ng Ayungon, isang Reden Eleuterio, 50-anyos, ang pinagbabaril at napatay ng riding-in-tandem. 

Sa Guihulngan City, seperadong nilusob ang bahay ni Barangay Buenevista chairman Romeo Alipan at ang magkakapatid na si Arthur at Ardale Bayawa bago pinagbabaril ang mga ito. Namatay ang mga biktima matapos ang ilang minuto lamang.

Sa bayan ng Siaton, isang Raklin Astorias ang napaslang matapos tambangan ng riding-in-tandem.

Sa Guihulngan City din, isang gasolinahan Barangay Poblacion ang pinasok at ninakawan ng pitong armadong lalaki bago tumakas ang mga ito sakay ng tatlong van.

Ayon sa militar, maituturing resulta ng insurgency ang mga nangyaring patayan sa probinsya na nahaluan ng illegal na droga at sugal.

"Kailangan natin maghanap ng mga paraan para matigil ang patayan sa Guihulngan o Negros Oriental. Naghahalo na eh, mayroon din tayong reports na may drugs din at illegal gambling. Dumadagdag ito sa sigalot," ani BGen.Benedict Arevalo, komander ng 303rd Infantry Brigade in sa isla ng Negros.

Noong Hulyo 18, apat na pulis umano ang tinorture at pinatay ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army(NPA) sa Barangay Mabato sa bayan ng Ayungon.

Ayon sa Philippine National Police, nagpakamatay ang isang opisyal ng nasabing barangay ilang araw matapos ang pamamaslang sa mga pulis.

Sumunod dito ang pagpatay sa isang abogado na si Anthony Trinidad habang nasugatan ang asawa nito.

Nitong Miyerkoles lamang, isang rebeldeng sumuko na puno din ng grupo ng mga magsasaka ang pinaslang ng riding-in-tandem sa bayan ng Zamboanguita. Mga miyembro umano ng NPA ang responsable sa pagpatay.

Nababahala na ang mga residente ng probinsya sa mga madugong pangyayari habang patuloy ang paghingi ng hustisya ng mga pamilyang naapektuhan ng mga pamamaslang.

Ayon kay Arevalo, ayaw niyang pangunahan na posibleng mag-deklara ng martial law sa probinsya. Aniya, mas kinakailangan ang masusing pag-aaral upang mapaigting ang peace and order sa lugar at magbigyan ng solusyon ang mga pangyayari.

"I don't want to pre-empt any plans for martial law in areas of Negros Oriental. Ang nakikita ko kasi sa Guihulngan, it has so much violence and hatred. I will not deny na meron hinaing na kailangan natin i-address. Guihulngan is really a puzzle to solve," ani Arevalo. 

"More than anything, we need healing eh mukhang malalim ang sugat sa bawat isa diyan," aniya.

Suportado umano ni Guihulngan Mayor Carlo Jorge Reyes ang panukalang masailalim ang lungsod sa martial law.

Isang orientation-worshop ang pinagdaluhan ng mga lokal na pamahalaan ng probinsiya, pulisya, militar at ibang ahensya ng gobyerno sa Iloilo upang magawan ng paraan ang mga trahedya sa naturang probinsiya. - Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.