2 traffic enforcer sa Pasig huli sa pangongotong sa UV Express driver

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 06:56 PM | Updated as of Jul 26 2019 09:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa entrapment operation ang 2 traffic enforcer ng Pasig City dahil sa umano'y pangongotong nila sa isang UV Express driver.

Ayon sa driver na si alyas "Bong," pumapasada siya sa Ortigas Extension noong Huwebes nang hulihin ng 2 suspek dahil bawal daw magsakay ng pasahero doon.

"Hinarangan ako, sabi obstruction daw, tapos binago nila violation ko. Bawal daw ako sa Ortigas dapat daw sa Floodway," reklamo ng tsuper.

Hindi tinikitan ang biktima, bagkus ay kinumpiska lamang ang lisensiya at ilang dokumento ng sasakyan.

Matapos kunin ang papeles ng sasakyan, pinabalik ang biktima ngayong Biyernes sa Ortigas, kaya nakahanap ng pagkakataon si Bong na mahuli ang mga suspek.

Pagkaabot ni Bong ng P1,000 marked money, kinamot niya ang kaniyang ulo hudyat para arestuhin ang 2 nangotong na enforcers.

"Nagsumbong na siya dito at nag-set-up tayo ng entrapment operation. Nakita naman natin na itong 2 suspek in cahoots with each other. 'Yung isa ang nanghuli at tumanggap ng papeles at kumuha ng kanyang lisensiya, isang tauhan naman ang tumanggap ng pera," sabi ni Police Col. Rizalito Gapas, hepe ng Pasig police.

Itinanggi naman ng mga suspek ang bintang.

Kakasuhan ang 2 ng robbery-extortion.

—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.