2 nagpanggap na dentista inaresto sa Taguig City

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 06:51 PM | Updated as of Jul 26 2019 09:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado nitong Biyernes sa operasyon ng Southern Police District sa Taguig City ang 2 lalaki na umano'y nagpapanggap na dentista at gumagawa pa ng mga pustiso at braces.

Kasama ang Taguig police at Philippine Dental Association (PDA), nilusob nila ang isang bahay sa Barangay Ususan at hinuli ang mga suspek na sina Conrado Ganaban at Jonathan Bukirin.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, hindi nag-aral ng dentistry ang mga suspek.

Natuto lang daw si Ganaban dahil inoobserbahan niyang magtrabaho ang misis na nagtapos ng dentistry pero wala ring lisensiya.

"Natuto na po ko, kasi minsan walang makuha na technician, tumutulong-tulong ako," pag-amin ni Ganaban.

Nakuha sa bahay ang iba't ibang gamit sa paggawa ng mga pustiso at braces tulad ng brackets, impression tray, at pontics.

Marami ang mga nagpapagawa kay Ganaban dahil sa mababang presyo pero babala ng PDA, posibleng mapahamak kung hindi sa lisensiyadong dentista magpapatingin.

"Sa lugar na nakita namin, hindi talaga fit. Marumi, maalikabok, prone to infection 'yung mga pasyente... May mga reklamo kaming na-receive na 'yung mga pasyente lumuluwag 'yung pustiso, hindi maayos 'yung pagkakalagay," ani PDA president Dr. Stephen Almonte.

Inihahanda na ang mga kasong isasampa sa 2 suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007.


—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.