Spa sa QC na nag-aalok umano ng ‘extra service,’ ni-raid

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 04:17 AM | Updated as of Jul 29 2019 12:44 PM

MAYNILA—Sinalakay ng mga pulis Miyerkoles ng gabi ang isang massage spa sa Kamias, Quezon City na umano'y nag-aalok ng "extra service."

Naabutan pa ng mga operatiba ng Philippine National Police—Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) na walang suot ang masahista at kliyente nito sa loob ng establisyimento.

Ayon sa WCPC, mga lalaki ang karamihang parokyano ng spa pero front lang daw ang pagmamasahe dahil may extra service umano na iniaalok dito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa entrapment operation, nakapagbigay pa ng bayad ang operatiba sa umano'y bugaw para sa 4 na masahista.

"Mga ino-offer kabataang minor na lalaki na allegedly nagmamasahe pero hindi naman actually marunong magmasahe kundi iba 'yung kanilang serbisyo na ino-offer," ani Chief Supt. William Macavinta, director ng PNP-WCPC.

Unang nakatanggap ng impormasyon ang WCPC mula sa Inter-Agency Counci Against Trafficking at Commission on Filipino Overseas.

"Nagsimula ito doon sa nakatanggap ng tawag 'yung action line from a concerned citizen regarding alleged activities involving minors na nagca-cater sa extra services," dagdag ni Macavinta.

Ayon sa WCPC, minsan mga estudyante pa raw ang nagsa-sideline sa naturang lugar. Halos 2 buwan nilang minanmanan ang spa bago nakita ang iregularidad dito.

"Isa itong massage spa pero halimbawa 'pag ikaw ay nagpamasahe doon, minsan sinasadya talaga nila na i-provoke at pag na-provoke ka na, siyempre, maghahanap ka na ngayon, magtatanong ka na ngayon kung me extra service," ani Macavinta.

"'Yung bayaran nila sa regular na masahe is P500, pero pag nag-extra service, depende kung bata ang ibigay sa iyo, aabot ng P3,500."

Pinabulaanan naman ito ng umano'y manager ng spa.

"Inabot lang sa akin 'yan. Kliyente lang ako dito," depensa nito.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at RA 9231 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.