Senado, nanindigan na ayaw sa cha-cha, TRAIN-2

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 12:43 AM | Updated as of Jul 07 2019 06:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi umepekto sa Senado ang matinding pakiusap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na paspasan ang pagpasa ng panukalang batas para sa charter change (cha-cha) pati na ang dagdag-buwis sa pamamagitan ng ikalawang package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN-2)

Isang oras nagpulong ang mga senador noong Martes, Hulyo 24, para himayin ang mga puntos sa mainit na usapin sa cha-cha at pederalismo.

Nagkaisa ang Senado na hindi sila papayag sa "no-el" o ang no elections pagsapit ng 2019.

"Wala sa aming papayag na magkaroon ng no-el," ani Senador Miguel Zubiri nitong Martes.

"One thing we have agreed on and taken a stand on this matter is kailangan pong ituloy itong mga hearings ni Senator Pangilinan sa constitutional amendments. Hindi po kami papayag na madaliin ang proseso ng charter change," ani Sen. Bam Aquino nitong Miyerkoles.

Ayon kay Senate President Tito Sotto, malabo ang tsansa ng cha-cha o ang draft federal constitution na makalusot sa Senado.

Hindi raw kasi ito prayoridad ng mga senador.

"We have asked the members of the Senate to submit at least, no, a maximum of three priority bills," ani Senate President Tito Sotto.

Lumutang din ang pangamba ng mga senador sa magiging epekto sa bansa ng TRAIN-2 na pagkukunan din ng dagdag-pondo para sa mga programa ng pamahalaan.

Kaya ngayon pa lang, walang may gustong mag-sponsor ng TRAIN-2 sa Senado.

"Ninenerbiyos na kami dito sa mga TRAIN na ito. So pag-aralan natin nang mabuti," ani Zubiri.

"Ino-offer na ni Senator Angara to all the members of the opposition, or the minority, who would want to graciously take it, walang takers. Wala talagang takers sa amin na mag-sponsor ng Train-2."

Kaya ang panukalang TRAIN-2, target ng Senado na palitan ng ibang panukalang batas .

"We have our own version or the rice tariffication and then we have our own version of rationalization of tax incentives. The mentality of most of the members of the Senate is to look at the possibility of how we will be able to help, in trying to control the inflation and the rising prices of the commodities." 

Tiniyak din ng Senado na uunahin nila ang pagpasa sa proposed P3.757 trillion 2019 national budget pati na ang ibang mga panukala na mas magbibigay-proteksiyon sa interes ng mga Pilipino. 

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.