ALAMIN: Safety tips para sa mga namamasyal sa kuweba

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 07:55 PM | Updated as of Oct 22 2019 02:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bagaman nauuso bilang mga pasyalan, hindi pa rin maiaalis ang panganib na maaaring idulot ng mga kuweba sa mga bumibisita rito.

Kaya nagbigay ng payong pangkaligtasan ang ilang eksperto para sa mga nagbabalak na bumisita sa mga nakamamanghang lugar.

Ayon kay Eddie Dapliyan ng Sagada Local Disaster Risk Reduction Management Office, mainam na kumuha ng guide o gabay na taga-roon sa lugar ng kuweba.

"Always take a local guide, kasi ang mga local guides alam nila kung saan ang safe," ani Dapliyan.

"Magpa-register para alam nila na nandito kayo. Tapos pagbaba, alamin sa guide kung ilang oras ang exploration," aniya.

Kabilang sa mga sikat na destinasyon para sa mga turista sa Sagada, Mountain Province ang mga kuweba gaya ng Sumaguing at Lumiang Cave.

Mainam din, ani Dapliyan, kung magsusuot ng mga komportableng sapatos na may kapit para hindi madulas sa mga kuwebang.

Habang nasa loob naman ng kuweba, magdahan-dahan sa paghakbang. Kapag paakyat ang ruta, humanap ng matatag na makakapitan bago umabante.

"Make sure na may hawak na study handholds. Sa cave, it's total darkness. Hindi mo alam kung safe o hindi, kung saan ang mga madulas na area," ani Dapliyan.

Ilan sa mga posibleng peligrong maaaring kaharapin sa loob ng kuweba ang hypothermia, pagkalunod, mabagsakan ng mga debris, pagkadulas, pagkaligaw, at nakalalasong hangin.

Ayon naman kay Ross delos Santos, isang dalubhasa sa mga kuweba, huwag nang ituloy ang pagpasok sa kuweba kung masama ang panahon.

Magugunitang kamakailan ay na-trap nang higit dalawang linggo sa loob ng isang kuweba sa Thailand ang isang football team matapos bumaha dahil sa masamang panahon.

"Before [the Thailand football team] got in, there's already some weather disturbance. Umuulan-ulan na. That alone, is enough [reason] for you not to go caving," ani Delos Santos.

Sakaling ma-trap sa loob ng kuweba, huwag umanong tangkaing lumabas kung mataas ang tubig sa mga lagusan.

"You seek higher ground. Don't attempt to dive in and go out," ani Delos Santos.

Makatutulong ang pagsuri kung saan nag-iiba ang kulay ng pader o ang water line sa loob ng kuweba.

Para sa karagdagang ligtas tips, sundan ang "Red Alert" sa Facebook (fb.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (@ABSCBNRedAlert).

-- Ulat nina Jeff Canoy at Toph Doncillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.