2 lalaking nagbebenta ng nakaw na motorsiklo, patay sa entrapment operation

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 05:04 AM

BATANGAS—Patay ang 2 lalaki na umano'y nagbebenta ng ninakaw na motorsiklo sa entrapment operation sa bayan ng Balayan Huwebes ng madaling-araw.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si Christopher Macalalad habang inaalam pa ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng isa.

Nakuha sa kanila ang mga tissue paper na may lamang hinihinalang shabu.

Ikinasa ng Highway Patrol Group (HPG) at Balayan police ang operasyon sa Barangay Lanatan alas-2 ng madaling-araw.

Base ito sa intelligence monitoring ng pulisya matapos umanong mag-alok ang mga suspek ng motorsiklong walang dokumento, tampered ang engine number, at ibinebenta sa murang halaga.

Ayon kay Senior Insp. Jet Sayno ng HPG-Batangas, nagpaputok umano ng baril ang mga suspek kaya nauwi sa engkuwentro ang operasyon bago magkaabutan ng bayad.

Dati na ring nakulong si Macalalad sa kasong pagnanakaw at ilegal na droga. — Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.