Cotabato City, isinailalim sa state of calamity dahil sa baha

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 06:36 PM

COTABATO CITY - Isinailalim na nitong Martes sa state of calamity ang buong lungsod ng Cotabato dahil sa matinding baha.

Ayon kay Cotabato City Vice Mayor Graham Nazzer Dumama, 25 barangay mula sa kabuuang 37 barangay sa lungsod ang binaha.

Umabot na rin sa mahigit 19,000 libong pamilya ang apektado ng pagbaha.

Patuloy ang monitoring kung gaano kalaki na ang halaga ng mga pananim at ari-arian na napinsala ng baha.

"More than 50 percent 'yung damage... may mga bahay na nasira, may mga animals, crops. Still waiting pa kami, kasi running for 2 weeks na ang flood. Naka-focus kami ngayon sa relief and medicine," ani Dumama.

Bagama't hindi napigilan, napaghandaan naman umano ang pagdating ng baha.

Matatandaang nagpatupad na ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan dahil sa baha.

Ayon Dumama, may isang batang nalunod sa matapos maligo sa ilog.

"Highly silted ang Rio Grande. Hindi biglaan ang flood kaya agad nakabigay ng relief. May nalunod not because of flood but may naging pagkukulang," aniya.

Samantala, sa pagdedeklara ng state of calamity, magagamit na ng mga barangay ang calamity fund na siya namang gagamitin para sa mga kinakailangan ng mga naapektuhan ng baha.

Umaasa naman ang lokal na pamahalaan na masisimulan na ang dredging operation sa mga ilog sa lungsod na siya nakikitang solusyon para maiwasan ang baha, lalo pa't below sea level ang Cotabato at nagsisilbing catch basin ng tubig mula sa mga lalawigan ng Maguindanao, North Cotabato at Sultan Kudarat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.