W. Visayas nanguna sa dengue-affected sa unang 7 buwan

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 09:00 PM

Nanguna ang Region 6 o Western Visayas sa mga rehiyon na nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng dengue sa bansa sa loob ng unang 7 buwan.

Ayon sa Department of Health, mula Enero 1 hanggang Hulyo 13, nakapagtala sila ng 18,834 kaso ng dengue sa rehiyon, mas mataas ng 259 porsiyento sa 5,251 kaso na naitala noong parehong taon ng nakaraang taon.

Nagdeklara na ng outbreak sa Iloilo City, Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, at Iloilo.

Isinailalim naman sa state of calamity ang mga bayan ng Culasi at Sebaste sa Antique, at Maasin sa Iloilo.

Binisita ngayong Huwebes ni Health Secretary Francisco Duque ang rehiyon para tingnan kung paano hinaharap ng sangay ng Department of Health (DOH) doon ang mabilis na pagkalat ng sakit.

Muling iginiit ni Duque sa publiko na maging malinis sa kapaligiran at huwag balewalain ang lagnat lalo na kung 2 araw na ito o higit pa.

Ayon kay Marlyn Convocar, direktor ng DOH-Region 6, minsan ay kampante ang mga residente sa pagpuksa ng sakit.

"But with the increased awareness... they are now engaged and they are also responsive" dagdag niya.

Ayon naman kay Iloilo Governor Arthur Defensor, tila mahirap pagbigyan ang mungkahing pagsuspende sa mga klase sa mga paaralan.

Ipinanawagan ang suspensiyon dahil pinaghihinalaang sa paaralan nakukuha ang sakit dahil marami sa mga tinamaan nito ay mga bata.

"Kung magsu-suspend tayo classes dahil sa dengue, kailan 'yon at gaano kahaba? Kasi ang dengue di tulad ng bagyo," ani Defensor.

Nagdeklara noong Hulyo 15 ang DOH ng national dengue alert dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng sakit sa ilang rehiyon.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.