Pampasabog, narekober sa Surigao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 01:27 PM

Naibigay na sa kustodya ng explosive ordnance disposal team ang pampasabog na nahukay sa Surigao del Sur. Police Regional Office 13 handout

Nahukay ng awtoridad ang isang pampasabog sa Sitio Mimi, Barangay Layog, Tago, Surigao del Sur, nitong Martes.

Agad na rumesponde ang 2nd Surigao del Sur Provincial Mobile Force Company sa impormasyon mula sa dating rebelde tungkol sa nadiskubreng pampasabog sa nasabing lugar.

Taong 2014 nang ibaon umano ng mga miyembro ng Militia ng Bayan ng New People’s Army ang eksplosibo laban sa tropa ng gobyerno.

Ayon sa awtoridad, may sukat na 11 pulgada ang diametro, 8 pulgada ang haba ng pampasabog na may timbang na 15 kilo.

Nasa pangangalaga na ito ng Explosive Ordnance Disposal team sa Surigao del Sur Police Provincial Office.

Hinikayat ng pulisya ang publiko na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya kung may madiskubreng eskplosibo saan mang bahagi sa Caraga Region.

--Ulat ni Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.