Babae patay; asawa't anak sugatan sa 'airstrike' sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 11:59 PM

COTABATO - Isang babae ang patay habang sugatan naman ang asawa't anak nito sa isang "airstrike" umano sa Pikit, Cotabato nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang babae na si Misba Masla, 54-anyos, at ang asawa niya na si Alimodin Masla. Ayon sa impormasyon na nakalap ng ABS-CBN News, 10 anyos ang batang nasugatan.

Ayon sa isa pang anak nila na si Jaime, nakatanggap na lang siya ng tawag na patay na ang ina niya at sugatan ang tatay at kapatid niya sa pagsabog ng isang bomba na "galing sa eroplano."

"Kwento ng tatay ko matagal na palipad-lipad sa taas ng bahay yung eroplano ng mga sundalo. Mag-alis sana sila doon kasi natakot pero nasabugan sila nung bomba na galing sa eroplano," ani Jaime.

Ayon sa militar, nagsagawa ng operasyon ang mga sundalo sa boundary ng Cotabato Province at Maguindanao upang sugpuin ang mga militante ng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters(BIFF).

"Yung BIFF, iniimbak yung mga IED (improvised explosive ordnance) doon. Gumamit tayo ng mga air assets...we are still validating kasi may instances na kapag nasabugan ng forces yung IED nagkakaroon ng sympathetic explosion...we are validating that report," ani Maj. Homer Estolas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.

Ayon sa opisyal, miyembro ng BIFF si Alimodin.

"Yung civilian na nasawi we are confirming the links...yung asawa confirmed na BIFF under Commander Edgracil under BIFF-Bungos Faction," ani Estolas.

Itinanggi ito ni Jaime at tagapagsalita ng BIFF-Bungos Faction.

Tuloy pa rin ang militar sa operasyon kontra sa BIFF sa lugar, lalo na sa Salbo, Pagatin, Mamasapano, at Shariff Aguak.

Base sa nakuhang impormasyon ng ABS-CBN News, may nasugatan na mga sundalo sa operasyon sa lugar pero kinukumpirma pa ito ng militar. - Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.