Aprub o veto? Kapalaran ng security of tenure bill inaantabayanan

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 06:45 PM

Dalawang araw na lang at nakatakda nang mag-lapse into law o awtomatikong maging batas ang security of tenure o anti-'endo' bill na layong wakasan ang ilegal na kontraktuwalisasyon sa bansa. 

Isa ang pagtatapos sa kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang kampanya noong kumakandidato siya noong 2016.

Pigil-hininga ang sari-saring grupo dahil Hunyo 27 pa nasa mesa ng Pangulo ang panukalang batas pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya desidido kung aaprubahan ito.

Nitong Miyerkoles, inamin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na inirekomenda ni Socioeconomic Planning Sec. Ernesto Pernia na i-veto ang naturang bill.

"If he feels that signing the law will create not beneficial effects to the major players, he might consider vetoing it, but if he doesn't feel that way he will sign that into law," sabi ni Panelo. 

Una nang nanawagan kay Duterte ang nasa 13 business group na i-veto ang naturang panukalang batas dahil sa epekto umano nito sa kabuuang ekonomiya ng bansa.

Giit nila, dapat ipinaubaya pa rin sa mga employer ang desisyon sa regularisasyon alinsunod sa kanilang "right and freedom to contract" at "right to property."

Sabi naman ni Panelo, kung sakali mang i-veto ng Pangulo ang panukala, maaari namang maghain muli ng panibagong bersiyon sa Kongreso. 

Samantala, inudyukan ng Trade Union Congress of the Philippines ang Pangulo na tuparin ang kaniyang campaign promise sa mga naghihikahos na manggagawa. 

—Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.