4 na mag-aama timbog sa Makati buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 05:26 AM | Updated as of Jul 25 2019 06:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Arestado ang 4 na mag-aama sa buy-bust operation sa Barangay Cembo, Makati City Miyerkoles ng gabi.

Nakuha sa mga suspek ang nasa 60 sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P30,000.

Ayon sa pulisya, hinuli ang mag-aama nang mabilhan sila ng droga sa loob ng kanilang bahay.

"Perwisyo kayo sa barangay. Takot ang barangay sa inyo dahil puro kayo lalaki," ani Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City police.

Matagal nang inirereklamo ng ilang residente ang mag-aama lalo na at iba't ibang tao ang dumarayo sa bahay nito para bumili ng shabu.

Dagdag ni Simon, ginagawa rin umanong drug den ang bahay ng mga suspek.

Depensa naman ng tatay, hindi raw niya alam ang ginagawa ng mga anak.

"May sakit kasi ako. Limot. Kaya hindi ko alam," aniya.

Itinanggi naman ng mga anak na sangkot sila sa pagtutulak.

"Walang katotohanan 'yan," ayon sa isang suspek na siyang nabilhan ng droga.

Sasampahan sila ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.