3 magkakapatid patay matapos masuffocate sa loob ng septic tank

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 12:18 AM

Binubuhat ng mga rescue worker ang isa sa 3 magkakapatid na namatay matapos masuffocate sa loob ng isang septic tank ng isang paaralan sa Cuartero, Capiz nitong Miyerkoles, Hulyo 24.

CAPIZ - Patay ang tatlong magkakapatid na trabahador matapos masuffocate umano sa loob ng isang septic tank ng isang paaralan sa bayan ng Cuartero sa Capiz nitong Miyerkoles.

Ayon sa pulisya, nagsagawa ng clearing at cleaning operation ang paaralan ng Maindang Senior Highscool sa Barangay Maindang para sa gaganaping turnover ceremony ng K-12 building nito.

Bumaba umano ang isa sa magkakapatid na si "Dodong" para linisin ang nasabing tangke pero nawalan ito ng malay.

Ayon sa mga awtoridad, bumaba rin ang mga kapatid ni Dodong pero nawala din ng malay ang mga ito hanggang sa binawian ng buhay ang magkakapatid.

Pinagtulungan ng mga rescue workers mula sa lokal na pamahalaan, pulisya at militar na kunin ang mga bangkay ng magkakapatid mula sa septic tank.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente. - Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.