SM nasa proseso na ng pag-regular sa 10,000 empleyado: Bello

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 06:37 PM | Updated as of Jul 25 2018 07:39 PM

Nakatakdang gawing mga regular na manggagawa ng kompanyang SM ang nasa 10,000 tao bago matapos ang 2018, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III. 

Pangako umano sa kaniya ng SM, 5,000 ang gagawing regular sa unang bahagi ng taon, habang ang kalahati ay sa pagtatapos ng taon. 

Karamihan dito, mga sales clerk na nagtatrabaho sa kanilang department stores.

Sa isang inspeksiyon noong 2016, nadiskubre ng Department of Labor and Employment (DOLE) na sa 67,248 manggagawa ng kompanya ay halos kalahati lamang o 34,210 ang regular. 

Ang 18,720 sa mga manggagawa ay under “probation” habang 14,318 naman ang itinuturing na “seasonal.”

Klinaro naman ni Bello na pinapayagan ang kontraktuwalisasyon para sa mga seasonal o project-based na trabaho kagaya na lamang ng SM na nangangailangan ng dagdag na manpower kapag Pasko. 

PLDT, 'mali' ang interpretasyon sa DOLE order

Samantala, pinuna naman ni Bello ang interpretasyon ng PLDT sa kautusan ng DOLE na gawing regular ang kanilang mga manggagawa.

Nalaman kasing pinag-a-apply muli ng PLDT ang kanilang mga empleyadong iniutos nang i-regular ng DOLE. 

“Workers covered by the order are already regular employees of PLDT, whether they like it or not,” aniya.

Kasalukuyang umaapela ang PLDT sa Court of Appeals ngunit bigo pa silang makakuha ng halt order laban sa kautusan ng DOLE. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.