'Maging tao ka naman': Pagtuloy ng war on drugs pinalagan

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 08:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangamba ang ilang human rights advocates sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) na walang patid at magtutuloy-tuloy lang ang "war on drugs" ng gobyerno.

"The illegal drugs war will not be sidelined. Instead, it will be as relentless and chilling, if you will, as on the day it began," ani Duterte. 

Ikinababahala ito ni Fr. Gilbert Billena, kura paroko ng San Isidro Labrador Parish Church at tagapagsalita ng grupong "Rise Up for Life and for Rights" na binubuo ng mga kaanak ng mga namatay sa drug war.

"Maging tao ka naman at tunay na tatay sa sambayanang Pilipino. Dahil ang tunay na tatay ay hindi namamaslang bagkus kumakalinga sa mga anak niya kahit suwail," ani Billena.

Hindi rin sang-ayon ang international human rights lawyer na si Jason Wright sa pahayag ng Pangulo.

"The most important human right that everyone has is right to life...Everyone deserves a right to life. And if they are committing a crime, they have a right to fair trial," ayon kay Wright. 

Pero giit ng Philippine National Police (PNP), wala dapat ikatakot ang publiko sa mga binitiwang salita ng Pangulo.

"His primary concern is also the human rights of those victims of drug pushers and abusers," ani PNP spokesperson Senior Superintendent Benigno Durana.

Ginawa ring sandigan ng PNP ang resulta ng huling public opinion poll na sinasabing pito sa bawat 10 Pilipino ang itinuturing na war on drugs ang pinakamahalagang tagumpay ng Duterte administration.

Sa tala ng gobyerno, 4,354 drug suspects ang napatay sa anti-drug operations mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, 2018.

—Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.