DOLE chief, idedemanda ang nagbibintang sa kanya

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 09:51 PM | Updated as of Jul 07 2019 03:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinanggi ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III ang mga paratang na nagpasuhol siya sa isang recruitment agency owner. 

Ito ay matapos lumitaw ang isang whistleblower na nagsabing hiningingan daw ang kaniyang kompanya, ang MLLA recruitment agency, ng malaking halaga para maaprubahan ang lisensiya. 

"To all my detractors, I'll see you in court," sabi ni Bello sa isang press conference. 

Nagsampa si Amanda Lalic-Araneta ng reklamo laban kay Bello sa Presidential Anti-Corruption Commission.

Kuwento niya, binigyan niya raw ng P100,000 at mamahaling cellphone si Bello na tinanggap naman umano ng kalihim noong Pasko ng 2016. 

Matapos ang ilang buwan, binigyan naman niya ng P 100,000 at mamahaling pabango ang kalihim bilang regalo sa kaniyang kaarawan. 

Ngunit hindi na raw to tinanggap ni Bello dahil umano'y nababalitaang may anomalya na ang departamento niya. 

Ilang buwan naman bago makansela ang kaniyang lisensya, sinubukan daw siyang hingan ng milyong halaga ni Dr. Jesus Cruz ng International Labor Attache Bureau.

“Ang sabi niya sa akin, 'yung tauhan niya, alam mo naman ang kalakaran sa DOLE kapag nakadating na sa DOLE hindi na bababa ng P1 million, ikaw napakalaking agency mo, P10 to P15 million ang cost mo para sa lisensiya mo, ” kuwento ni Lalic-Araneta. 

Hindi siya sumang-ayon sa hinihingi umano ng kampo ni Bello kaya raw sinuspende ang lisensiya niya noong Pebrero. 

Nanghingi naman ulit umano ang kampo ni Bello ng P 500,000 para maaprubahan ang kanyang lisensiya. 

Kinukuwestiyon naman ni Bello kung bakit inihain ang kaso sa Presidential Anti-Corruption Commission imbes na sa Department of Justice o sa tanggapan ng Ombudsman.

Dati nang sinabi ni Bello na pinaiimbestigahan niya ang ahensiya ni Lalic-Araneta dahil sa mga balitang ilegal na nagpapadala ito ng mga menor de edad sa ibang bansa para magtrabaho.

Pero ayon sa initial report ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), hinahanap pa rin nila kung may na-deploy na menor de edad sa ahensiya. 

Pangatlong beses nang naharap sa akusasyong korapsiyon si Bello. 

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.