Immigration nagbabala kontra sa mga fixer, alok na 'escort service' sa airport

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 11:20 AM | Updated as of Jul 24 2019 11:33 AM

Nagbabala ang Bureau of Immigration sa publiko na huwag tangkilikin ang mga nagpapakilalang may "kapit" - o ang mga fixer na nag-aalok ng tulong para mapabilis ang pagproseso ng kanilang papeles kapalit ng pera.

Ito ay matapos mahuli sa entrapment operation ang isang umano'y fixer sa isang mall sa Mandaluyong na nambiktima umano sa isang Pinay.

Pinangakuan umano ng suspek ang biktima na aasikasuhin nito ang paglaya ng kaniyang kaibigang German na nakapiit sa kasong overstaying kapalit ng P150,000.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, hindi dapat na nagpapadala sa mabubulaklak na pananalita ng mga nagpapakilalang fixer ang publiko.

Sinabi pa ni Morente na hindi rin dapat na tinatanggap ng mga nagnanais na maging Overseas Filipino Workers (OFW) ang alok na "√ęscort service" sa airport para makalusot sa inspeksyon ng mga immigration personnel.

Pinaiimbestigahan na ng BI ang mga tauhan nito sa airport na maaring sangkot o kasabwat ng mga nag-aalok ng escort service sa mga illegal migrant workers.

Hinimok din ng opisyal ang publiko na mag-sumbong sa kanila sakaling may mga alam na nangyayaring katiwalian sa BI.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.