Poe, Ejercito, binalikan si Arroyo sa 'ginawa' kina FPJ, Erap

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 10:52 PM | Updated as of Jul 24 2019 12:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umani ng batikos sa ilang senador at human rights group ang pagkakaluklok kay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang House speaker. 

Isa si Senador Grace Poe sa mga nabahala nang biglang makita si Arroyo na nasa tuktok ulit ng liderato sa Kamara.

Sabi ni Poe, nakatatak na sa kasaysayan ang pagnanakaw aniya ni Arroyo hindi lang sa salapi ng bayan kundi pati sa pagkapangulo ng bansa.

"Nakaisa ka na, nakadalawa ka. Ngayon pangatlo na, baka dapat nang kalusin," ani Poe.

Nag-ugat ito sa "Hello, Garci" scandal na nag-ugnay noon kay Arroyo sa umano'y pandaraya laban kay Fernando Poe, Jr.

Pero bago pa kay FPJ, hindi rin malilimutan ang pangunguna ni Arroyo para mapatalsik din noon si dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada.

Nagbalik naman sa alaala ni Senador JV Ejercito ang sitwasyon ng kaniyang ama sa nangyari sa napatalsik na si House speaker Pantaleon Alvarez. 

"We can forgive but we will never forget the sins of the past," ani Ejercito.

Umalma rin pati ilang human rights group sa pagbabalik ni Arroyo. 

"'Yong korapsyon sa panahon ni Gloria Macapagal Arroyo naging talamak, at sa totoo lang wala ho itong hiya... dahil sa panahon na siya'y naging pangulo natin sa halos mahigit isang dekada puspos po noon ang paglabag sa karapatang pantao," ani Roneo Clamor, deputy secretary General ng grupong Karapatan.

Sa tala ng grupo, mahigit 1,200 ang umano'y biktima ng extrajudicial killing noong administrasyong Arroyo at mahigit 200 ang dinukot at patuloy na hindi makita.

Isa umano sa mga naglaho ang anak ni Erlinda Cadapan na si Sherlyn Cadapan.

"Kahapon pa ako lumuluha no'ng malaman ko, ano bang klaseng gobyerno mayroon ang Pilipinas," anang ginang.

Ayon sa isang political analyst, posibleng hindi na lalo magtiwala ang publiko sa mga kongresista lalo na pagdating sa pagbabago ng Konstitusyon.

"Sa ibang bansa, talagang wala ka nang political career di ba kapag nagkaroon ka, nasangkot ka sa korupsiyon," ani Prof. Jean Franco ng UP Political Science department.

Masamang pangitain para kay Poe na ang charter change (cha-cha) ay nasa kamay na ngayon ni Arroyo.

"Pagka ang mga namuno sa Kongreso ay i-railroad itong cha-cha at gawing parliamentary form, maaring magising na lang kayo either patas ang kapangyarihan sa pangulong binoto ninyo o siya na ang magte-take over bilang prime minister," ani Poe.

Babala ni Poe, dapat maghanda ang publiko, at kung itutulak ito, hindi na dapat payagan pa ng mga Pilipino.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.