Hambalos ng habagat: 4 patay sa Occidental Mindoro dahil sa mga pag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 08:29 AM | Updated as of Jul 24 2018 09:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot na sa 4 ang nasawi sa Occidental Mindoro dahil sa mga pag-ulan na dinala ng habagat at Bagyong Josie, kinumpirma ng mga awtoridad ngayong Martes. 

Ayon sa local disaster office, pawang mula sa bayan ng Sablayan ang mga nasawi.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kabilang sa mga ito ang isang babae at kaniyang isang-taong gulang na sanggol na biktima ng lanslide, gayundin ang isang 3-taong-gulang na bata na nalunod sa ilog sa Barangay Pag-asa. 

Mula naman sa Barangay Sta. Lucia ang isa pang nasawi matapos mabagsakan ng puno. 

Hindi pa mapasok ang ilang bayan dahil sa mga hindi madaanang kalsada. 

Kabilang dito ang Talsungan Bridge sa Barangay Balao, Abra De Ilog, kung saan stranded ang ilang sasakyan, kabilang na ang 2 ambulansya, hanggang pasado alas-6 Martes ng umaga. 

Samantala, pumalo na sa P62 milyon ang halaga ng mga pananim na nasira ng pag-ulan, kabilang ang mga palay na katatanim pa lamang, ayon sa provincial agriculture office. 

Una nang nagdeklara ng state of calamity ang lokal na gobyerno upang magamit ang emergency funds nito at makapagpatupad ng price freeze sa mga bilihin.

Nakaalis na sa bansa ang Bagyong Josie nitong Lunes, pero isang low pressure area ang nagbabadyan maging bagyo sa labas ng Philippine area of responsibility, ayon sa state weather bureau. 

Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.