Magnanakaw umano ng motorsiklo timbog sa Sta. Ana, Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 05:29 AM

Nahuli ang isang magnanakaw umano ng motorsiklo matapos masita sa traffic violation sa Sta. Ana, Maynila nitong Miyerkoles.

Ayon sa Manila Traffic and Parking Bureau, inimpound nila ang sinasakyang motorsiklo ng suspek na si Limuel Flores dahil sa isang traffic violation. Agad na-impound ang motorsiklo at dinala ang lalaki sa Barangay 905, Zone 100, Sta. Ana kung saan siya residente.

Nakilala siya ng mga barangay matapos magreklamo ang isang Grab food driver sa pagnanakaw ng motorsiklo. Sa imbestigasyon ng Sta. Ana Police, motorsiklo pala ng biktima ang minamaneho ni Flores.

Miyerkoles ng umaga nang madiskubre ng biktima na wala na ang motorsiklo na ipinarada niya sa harap ng kanilang bahay.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag ng Republic Act 10883 o Anti-Carnapping Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.