'Puro palusot, walang bago': SONA 2019 pinuna ng ilang grupo, mambabatas

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 03:37 PM

Pumalag ang ilang grupo at mambabatas ng oposisyon sa mga kakulangan umano ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes. 

Sa kaniyang ikaapat na SONA, tinalakay ni Duterte ang isyu ukol sa West Philippine Sea at hiniling ang pagbabalik sa parusang kamatayan (death penalty). 

Pero ayon kay Neri Colmenares, chairman ng grupong Bayan Muna, "puro palusot" ang naging laman ng SONA ng Pangulo. 

Aniya, wala naman daw laman na mga importanteng isyu ng mga Pilipino gaya ng kahirapan at pagtatanggol sa human rights. 

Pinuna rin ni Colmenares ang umano'y pagiging sunud-sunuran ng Pangulo sa China sa isyu ng West Philippine Sea. 

"The fourth State of the Nation Address of President Duterte is full of stories but failed to address the most important issues of the Filpino people: poverty, human rights, and his continuing subservience to China," ani Colmenares. 

Hindi rin aniya tumugon si Duterte sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mababang suweldo. Bigo rin daw itong mapatigil ang "endo" o labor-only contracting. 

Maaalalang kabilang sa mga pangako ng Pangulo sa mga nauna niyang SONA na wawakasan niya ang "endo." 

"It was long on sound bites but short on substance. He failed to genuinely address rising prices, low wages and his failure to stamp out contractualization despite his promises in all previous SONAs," ani Colmenares. 

Umani ng batikos kamakailan si Duterte dahil sa isang verbal agreement kasama si Chinese President Xi Jinping na umano ay nagpapahintulot sa China na mangisda sa loob ng exclusive economic zone ng bansa. 

Pinalagan din ang posisyon ni Duterte ukol sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank noong Hunyo. 

Para naman sa kinatawan ng grupo sa Kongreso na si Carlos Isagani Zarate, pag-amin ang talumpati ni Duterte sa kaniyang madugong giyera kontra droga at korapsiyon na nangyayari pa sa loob ng gobyerno. 

"The 4th SONA is a state of admission of the wanton failure of his own major campaigns: the bloody drug war and the war on corruption," ani Zarate. 

Ikinadismaya ng opposition senator na si Sen. Risa Hontiveros ang umano'y "pag-aabogado" ng Pangulo sa Tsina. 

"Sa halip na ginamit ni Presidente ang kanilang SONA para sabihin sa lahat ng ating mga Pilipino kung paano niya ipagtatanggol 'yung ating soberaniya, parang nag-abogado pa siya para sa panig ng Tsina,” ani Hontiveros. 

Pumalag din si Hontiveros sa pagtutulak muli ni Duterte sa parusang kamatayan para sa mga sangkot sa drug trafficking at plunder. 

Para naman kay Sen. Grace Poe, bagaman tutol siya sa pagbabalik ng death penalty, tingin niya na mas malaki ang tsansang mapapalusot ito sa 18th Congress. 

"Sa Senate, may malaking pag-asa na lulusot do'n. Pero ang posisyon ko sa death penalty, ang mahihirap ang apektado," ani Poe, na nagnanais na suriin muna ang sistema ang hudikatura bago buhayin ang pausang kamatayan. 

-- May ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.