PDEA: Alisin ang korupsiyon bago ibalik ang death penalty

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinanawagan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na unahin muna ang pag-aayos ng sistema ng hudikatura bago buhayin ang death penalty para sa mga sangkot sa droga. 

Maaalalang nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso sa kaniyang ika-4 na State of the Nation Address na ipasa na ang naturang panukala. 

Para sa PDEA, kailangang matuldukan muna ang problema sa korupsiyon bago buhayin ang parusang kamatayan para sa mga drug traffickers. 
 
"Bottomline dito 'yong corruption, we have corruption transactions in judiciary, penal, customs, so everywhere," ani PDEA Director-General Aaron Aquino. 

Dagdag niya, pabor ang PDEA sa pagpataw ng death penalty sa mga drug traffickers, smugglers, manufacturers at international drug syndicates. 

Pero iminumungkahi nilang huwag nang isama ang mga drug users at pushers. 

Pero may iilan na talagang tutol sa panukala, gaya ni Rev. Broderick Pabillo, auxiliary bishop ng Maynila, sa umano'y banta nito sa demokrasya. 

"Maaaring gamitin [ito] sa political enemies o critics ng state, puwede sila gawan ng kaso, kung walang independence ang judiciary, sila matatamaan niyan," ani Pabillo. 

Pumalag din ang opposition senator na si Risa Hontiveros sa panukala at iginiit na dapat munang ayusin ang sistema ng hudikatura sa bansa. 

"Ang deterrent ay 'yung kasiguraduhang mahuhuli ang suspected criminal, napo-prosecute siya at nako-convict," ani Hontiveros. 

Para naman kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III, kakailanganin ng mabigat na talakayan bago maaprubahan ang parusang kamatayan sa Senado. 

"We’ll try to convince some of our colleagues. It’s a heavy debate, but we’ll just have to work on it," ani Sotto. 

Ayon kay Sen. Grace Poe, bagaman tutol siya sa pagbabalik ng death penalty, tingin niya ay mas malaki ang tsansang mapapalusot ito sa 18th Congress. 

"Sa Senate, may malaking pag-asa na lulusot do'n. Pero ang posisyon ko sa death penalty, ang mahihirap ang apektado," ani Poe.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maaaring magdalawang isip ang tao sa paggawa ng krimen sa pagbabalik ng death penalty. 

"The fear of being put to death for commission of a crime will naturally prompt a criminally minded person to think twice. It is up to Congress to determine the parameters of what constitutes a heinous crime," ani Guevarra sa pahayag. 

Naniniwala naman ang Philippine National Police na dapat munang pag-aralan ng Kongreso ang panukala. 

"Ang importante dito is we convict those people na talagang we know are guilty. Dapat sigurado natin na we have an airtight case," ani National Police chief Oscar Albayalde. 

Sa ngayon, iba't ibang bersiyon ng panukala ang nakabinbin sa Senado. 

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.