Mga kunsintidor ng road obstruction sa NCR binalaan ng DILG

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 09:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasong administratibo ang haharapin ng mga lokal na opisyal na umano'y kinukunsinte ang road obstruction sa kanilang nasasakupang lugar, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG). 

Alinsunod ito sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes, kung saan ipinanawagan niya na ibalik ang mga kalsada sa mga motorista. 

"Ensure the speedy and smooth flow of vehicular traffic. Reclaim all public roads that are being used for private ends," ani Duterte. 

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, igigiit nila ang utos ng Pangulo at ang mandato ng ahensiya para siyang manaig sa mga local government units (LGU). 

"This time heto 'yong gagamitin natin. 'Yong supervisory power ng Pangulo over LGUs at kailangan sumunod sila dito,” ani Año. 

Ayon pa kay Año, marami nang lokal na opisyal ang pinagpapaliwanag nila. 

Iniimbestigahan na rin ang ilang opisyal sa umano'y pagiging "promotor" sa hindi matapos-tapos na clearing operations sa mga obstruction sa kanilang lugar. 

"Ilang beses na naming na-clear 'yan, pero nilalaban (ng LGU) ang local ordinance nila kaya 'di matapos-tapos. Kaya pasalamat kami na si Pangulo na mismo ang nagbigay ng order," ani Año. 

Kung hindi sundin ng mga lokal na opisyal ang kautusan ay maaaring imbestigahan ang mga ito at suspendehin, ayon kay Año. 

"I will initiate investigation that will even lead to suspension of local executives who will not follow the president’s directives," ani Año. 

Sinisilip din ng DILG kung posibleng mabuksan ang mga pribadong subdibisyon tuwing rush hour para madaanan ng mga motorista. 

Nakatakda ring magpulong ang Metro Manila Council ngayong linggo. Pag-uusapan daw nilang pag-isahin ang traffic scheme sa buong Kamaynilaan, maging sa Cavite, Rizal, at Bulacan. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News