'Gobyerno dapat ituro ang mga dapat ireklamo sa hotline 8888'

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kailangang ituro ng gobyerno sa mga Pilipino kung ano ang mga bagay na dapat ireklamo sa hotline 8888, ayon sa isang eksperto.

Ayon kasi sa mga nangangasiwa sa 8888 hotline, pati mga reklamong walang kinalaman sa katiwalian at red tape ay itinatawag sa kanila gaya ng mga away mag-asawa, utang, mga aksidente, krimen, at tulong-pinansiyal.

"More information dissemination sa kanila para iyong mga personal, hindi talaga maaksiyunan dahil hindi sakop ng gobyerno, hindi na mala-lodge as complaint," ani Maria Fe Mendoza, dekano ng University of the Philippines National College of Public Administration and Governance.

"It will be an administrative nightmare kung hindi nila ifi-filter," aniya. 

Naniniwala si Mendoza na maganda ang proyekto dahil nahihikayat ang mga Pilipino na magsumbong ukol sa red tape at katiwalian.

Inilunsad noong 2016 ang 8888 hotline.

Bukod dito, maaari ring magreklamo sa Contact Center ng Bayan hotline. 

Sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, 5 ahensiya ang binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbutihin ang kanilang serbisyo.

Kasama rito ang Land Transportation Office (LTO), Social Security System (SSS), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Registration Authority (LRA), at ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund.

Ayon sa Contact Center ng Bayan hotline, mula 2013 hanggang 2018, ang mga nabanggit na ahensiya ang mga pinaka-inireklamo sa kanila.

Mula noong Nobyembre 2017, higit 30,000 reklamo ang hindi naaaksiyunan ng mga ahensiya ng gobyerno sa loob ng 3 araw na deadline na itinakda ng gobyerno, ayon sa Office of the Executive Secretary.

Halos 100,000 reklamo naman ang naaksiyunan ng mga ahensiya sa itinakdang deadline habang higit 20,000 reklamo ang kasalukuyang pinoproseso.

Ikinalungkot naman ng SSS na isa ang kanilang ahensiya sa mga nabanggit ni Duterte sa SONA.

Ayon kay Voltaire Agas, senior vice president at chief legal counsel ng legal and enforcement group ng SSS, hindi naman puro reklamo lang ang mga natanggap na impormasyon sa 8888.

Ang iba raw dito ay mga suhestiyon, katanungan at komento ukol sa SSS.

Iginiit ni Agas na mas maayos ngayon ang serbisyo ng SSS at paiigtingin pa nila ito sa pamamagitan ng digital platform. -- Ulat ni Gigi Grande, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.