Dating guro sa kolehiyo huli sa buy-bust sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 06:32 PM | Updated as of Jul 23 2019 06:43 PM

Arestado sa Bacoor City, Cavite ang isang guro sa kolehiyo sa buy-bust operation sa Barangay Molino Tres dahil sa pagtutulak umano ng droga.

Kinilala ang suspek na si Joel Geronimo, na dati umanong propesor at department head sa vocational courses ng isang kolehiyo sa Muntinlupa City.

Nakumpiska sa suspek ang tatlong gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa kaha ng sigarilyo na aabot sa halagang P20,000.

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, matagal na nilang minamanmanan ang suspek.

Hindi raw mabatid ni Geronimo kung bakit siya sinibak sa puwesto kaya siya nalulong umano sa droga.

"'Yon ang dahilan bakit ako napunta sa ganitong buhay, na-stress ako sa work ko, hindi ko alam kung ano ang dahilan hanggang ngayon floating pa ako," ani Geronimo.

Kinasuhan na ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

-- Ulat nina Dennis Datu at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.