Barangay chairman sa Negros Oriental, nagtangka umanong magpakamatay

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 05:02 AM

NEGROS ORIENTAL—Patuloy na inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ng isang ospital sa Dumaguete City, Negros Oriental ang isang barangay chairman matapos umanong magtangkang magpakamatay.

Kinilala ang pasyente na si Sunny Calderon na chairman ng Barangay Mabato sa bayan ng Ayungon kung saan nangyari ang pagpatay sa 4 na pulis ng Regional Mobile Force Battalion-7.

Ayon kay Police Maj. Romel Luga, hepe ng Ayungon police, natagpuan si Calderon na nakahiga at nagsusuka sa kaniyang bahay Lunes ng hapon at agad dinala sa ospital.

Napag-alaman ng mga awtoridad na uminom ng pesticide si Calderon, pero hindi pa matukoy ang dahilan sa tangkang pagpakamatay.

Isa si Calderon sa mga kinausap at hiningan ng impormasyon ng mga awtoridad sa nangyaring pagpatay sa mga pulis.—Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.