Mataas na mga presyo, kontraktuwalisasyon, inireklamo kasabay ng SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2018 09:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binatikos nitong Lunes ang pagmahal ng mga bilihin at patuloy na pag-iral ng kontraktuwalisasyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, kasabay ng kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).

Kabilang sa mga grupong nag-rally ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Kilusang Mayo Uno, Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), Kadamay, at Kilusan Para Sa Pambansang Demokrasya. 

Ipinahayag nila ang pagkadismaya sa paghawak ng administrasyon sa sari-saring isyu gaya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kontraktuwalisasyon, kakulangan sa trabaho at iba pa.

"'Yong TRAIN law na sinasabi niya na ito raw ang mag-aahon mula sa kahirapan sa iba't ibang mga mahihirap pero ang nararanasan lang ng mga mamamayan ngayon ay pagtaas ng mga presyo," ani Allen Lemence, tagapagsalita ng Bayan-Timog Katagalugan.

"Sa 'Build Build Build' program naman, sinasabi maraming trabaho ang lilikhain nito, pero ano nga ba iyong tipo ng trabahong lilikhain nito? Mga temporary," ani Lemence.

Dala rin ng mga nag-rally ang makukulay na mga banner at effigy.

Nagtipon muna ang mga grupo sa iba't ibang lugar sa Kamaynilaan, gaya ng University of the Philippines-Diliman campus, Philcoa, at tanggapan ng National Housing Authority sa Quezon City, at Mendiola sa Maynila.

Bandang alas-dos ng hapon nang tumulak ang mga grupo patungong Batasan Pambansa, kung saan idinaos ang taunang talumpati ng pangulo.

Nakiisa rin sa mga demonstrador sina Satur Ocampo ng grupong Bayan Muna, dating Social Welfare Secretary Dinky Soliman, at Bishop Broderick Pabillo ng Maynila.

Watch more in iWant or TFC.tv

SUPPORTERS, NAGTIPON-TIPON DIN 

Nagkaroon din ng pagtitipon ang mga tagasuporta ng pangulo sa labas ng Batasang Pambansa para ibida ang mga nagawa at mga plano ng administrasyon.

Nasa 7,000 tagasuporta ng pangulo ang nakiisa sa pagtitipon, ayon sa tala ng Philippine National Police bandang alas-kuwatro ng hapon.

Nagsalita sa programa ng mga tagasuporta ang ilang opisyal ng gobyerno gaya nina Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño, Agrarian Reform Secretary John Castriciones, Overseas Workers Welfare Administration Deputy Director Arnel Ignacio, at presidential adviser na si Francis Tolentino.

Bukod sa pagmamalaki sa mga nagawa ng kani-kanilang mga ahensiya, ibinida din ng mga panauhin sa mga tagasuporta ang pederalismo, na isinusulong ng administrasyon bilang bagong porma ng gobyerno.

Para naman matiyak na hindi magpang-abot ang mga bumabatikos sa administrasyon at mga tagasuporta, pinaghiwalay at nilawakan ang distansiya sa pagitan ng dalawang grupo.

-- Ulat nina Jasmin Romero at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.