Di bababa sa 5, patay sa ulan at baha sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2018 09:58 PM | Updated as of Jul 24 2019 12:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi bababa sa lima ang patay sa Bataan kasunod ng pananalasa ng ulan at baha nitong Linggo, Hulyo 22.

Kabilang sa nasawi ang isang lalaking inanod ng baha bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa bayan ng Hermosa, Bataan.

Tinukoy ang namatay bilang si Gary Cabiling na taga-Barangay Bamban sa Hermosa, Bataan.

Kuwento ng kaanak ng biktima na si Remela Palma, nalunod si Cabiling matapos tumulong sa paglikas ng ilang residente.

Nagtatali daw ng lubid si Cabiling para may makapitan ang mga sasagipin nang makabitaw siya at tuluyang anurin.

Ito'y matapos ang walang tigil na pag-ulan na halos nagpalubog sa bayan ng Hermosa nitong Linggo.

Nagtuloy-tuloy ang pagbuhos ng ulan hanggang gabi kaya ang ilang residente ay nagpasya nang lumikas habang may ilan namang nagpa-rescue. 

Pero marami pa rin sa kanila ang piniling huwag iwan ang kanilang bahay. 

Ang ibang may-ari ng bangka, kinuha ang pagkakataon para kumita nang kaunti sa pamamagitan ng pagsasakay ng mga taong ayaw lumusong sa baha.

Sa 23 barangay sa Hermosa, 20 ang nalubog sa baha.

Ayon kay Mayor Anthony Inton, ang Hermosa ay catch basin ng tubig na umaagos mula Pampanga at Dinalupihan. 

Dagdag pa ni Inton, barado na ang lagusan ng tubig patungo sa dagat kaya hindi agad bumababa ang baha. 

Sa Barangay Almacen, nananatiling lagpas-tao ang taas ng baha.

Katabi mismo ng barangay ang umapaw na ilog.

Sa taas ng baha, mahirap nang malaman kung alin ang kalsada at alin ang daluyan ng tubig.

Sa kabila nito, desidido ang ilang apektadong residente na huwag umalis.

Ayon sa residenteng si Owel Icban, magpapa-rescue na lang sila kung kinakailangan.

Paulit-ulit naman ang pakiusap ng lokal na pamahalaan na lumikas na sa mas mataas na lugar kung magtutuloy-tuloy pa rin ang pag-ulan, lalo't mayroon muling binabantayan ang PAGASA na low pressure area na muling hahatak ng habagat.

Sakaling maging bagyo ang low pressure area at pumasok sa Philippine area of responsibility, tatawagin itong bagyong "Karding."

APAT PATAY

Watch more in iWant or TFC.tv

Apat na residente ng Balanga, Bataan ang patay sa kasagsagan din ng masamang panahon nitong Linggo. 

Nasawi ang magtiyuhing sina Ronel Aniban, 25 anyos, at Raymond Rapsing, 13 anyos nang mabagsak ng gumuhong bahagi ng pader sa isang subdivision sa Barangay Cataning, Balanga City.

Patay rin ang anim na taon na si Ellyse Nicol Mendoza nang mahulog sa isang kanal sa Barangay Tuyo. 

Lumipas ang limang oras bago lumutang ang bangkay ng bata sa isa pang kanal na isang kilometro ang layo mula sa lugar kung saan siya nahulog.

Sumasaklolo naman sa mga kapitbahay na na-trap sa baha ang tricycle driver na si Philip Cordova nang siya'y makuryente at malunod.

Ayon kay Balanga Mayor Francis Garcia, ito na ang pinakamalalang baha na hinarap ng mga taga-Balanga.

Sa ilang lugar, lagpas tao ang baha na pinalala pa ng high tide.

Wala pa ring kuryente ang karamihan sa mga barangay sa Balanga.

Isinailalim din ang buong Bataan sa state of calamity.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Anjo Bagaoisan, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.