BALIKAN: Mga isyung tampok sa #SONA2018 ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2018 10:15 PM | Updated as of Jul 24 2019 12:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naging tampok sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte nitong Lunes ang kanyang kampanya kontra droga, ang kahalagahan ng pagsugpo sa kriminalidad at katiwalian, ang batas para sa rehiyon ng Bangsamoro, at ang importansiya ng kapaligiran at ng West Philippine Sea. 

Gaya ng ipinangako ng Malacañang, maikli lang ang talumpati ng pangulo, at ito ay tumagal lang ng halos 50 minuto kumpara sa 120 minuto noong nakaraang SONA.

Narito ang mga isyung tinalakay ni Duterte sa kaniyang talumpati:

BANGSAMORO

Hindi natuloy ang ipinangako ng Malacañang na pagpirma sa Bangsamoro Organic Law dahil nabigo ang House of Representatives na ratipikahin ang panukalang batas.

Naratipika naman ng Senado ang naturang panukala ilang oras bago ang SONA.

Ayon sa pangulo, sa oras na maratipika ng Kongreso ang panukala ay pipirmahan niya ito sa loob ng 48 oras. 

Nangako rin si Duterte ng mas malaking pondo para sa Mindanao.

KAMPANYA KONTRA DROGA, KRIMINALIDAD, KATIWALIAN

Sinabi rin ni Duterte na magpapatuloy ang kampanya ng kaniyang administrasyon kontra droga.

"The war against illegal drugs will not be sidelined. Instead, it will be as relentless as chilling, if you will, as the day it began," sabi ni Duterte sa talumpati.

Nagbabala naman siya sa mga kaalyado sa gobyerno na huwag sirain ang kanilang pagkakaibigan dahil sa katiwalian.

Watch more in iWant or TFC.tv

WEST PHILIPPINE SEA

Nanindigan din ang pangulo na patuloy niyang ipaglalaban ang mga interes ng bansa sa West Philippine Sea, kahit pa bumubuo siya ng magandang relasyon sa Tsina.

"Our improved relationship with China does not mean we will waver to defend our interest in the West Philippine Sea," aniya.

BABALA SA MINING COMPANIES

Nagbabala din ang pangulo sa malalaking mining companies na huwag sirain ang kalikasan.

"To the mining industry, I say this once again and maybe for the last time, do not destroy the environment or compromise our resources. Repair what you have mismanaged," aniya.

Parating na umano ang mas mahigpit na patakaran gaya ng pagbabawal sa open pit mining.

Sinabihan din niya ang mga pamahalaang lokal na huwag nang hintayin ang national government na ipatupad ang batas para sa mga mining company.

EASE OF DOING BUSINESS

Pinasalamatan din ni Duterte ang Kongreso sa pag-apruba sa mga batas tulad ng Ease of Doing Business Act, na layong pabilisin ang mga transaksiyon sa mga ahensiya ng gobyerno.

Hinimok ng pangulo ang mga pamahalaang lokal sa pagpapatupad nito.

"I hereby direct all government units, makinig sana kayo, to faithfully implement this law and simplify the process," ani Duterte.

MGA ITINUTULAK NA BATAS

Hinimok ng Pangulo ang Kongreso na ipasa ang ilan sa mga legislative priority tulad ng isang batas na titigil sa kontraktuwalisasyon, sa kabila ng isang executive order na nagbabawal sa mga ilegal na contractual practice.

Nais din niyang mapasa ang National Land Use Act para mapigilan ang pag-abuso gaya ng nangyari sa Boracay.

Hinikayat din ng pangulo ang pagpasa ng batas na bubuo sa isang kagawarang pagtutuunan ng pansin ang pangangasiwa sa mga kalamidad.

"We need a truly empowered department characterized by a unity of command, science-based approach and full-time focus on natural hazards and disasters," aniya.

TRAIN LAW

Nanindigan din ang pangulo na patuloy ang pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) sa kabila ng "iresponsableng" pagsisi rito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

"Some have incorrectly blamed our efforts toward a fairer tax system for all the price increases in the past months, and some irresponsibly suggesting to stop TRAIN’s implementation," sabi ni Duterte.

"We cannot and should not. We need this for sustainable growth that leaves no Filipino left behind," dagdag niya.

Ipinangako naman ng pangulo na isusulong niya ngayong taon ang ikalawang package ng TRAIN Law na bababaan ang corporate income tax ng mga maliliit na negosyo.

CHARTER CHANGE

Pinsalamatan din ni Duterte sina dating Chief Justice Reynato Puno, dating Senador Aquilino Pimentel Jr., at ang mga miyembro ng consultative committee na bumuo sa draft federal constitution.

Ipinahayag niya ang kaniyang kumpiyansang maraming Pilipino ang susuporta sa isinusulong ng kaniyang administrasyon na pagbabago sa porma ng gobyerno. 

Sa huling bahagi ng kaniyang talumpati, muling iginiit ni Duterte na wala siyang balak manungkulan nang higit sa isinasaad ng kasalukuyang Konstitusyon o ng kung ano pa mang konstitusyon.

Hindi na idinetalye ng pangulo ang ilan pang mga nagawa ng kaniyang administrasyon pero ipamamahagi na lang ang written version nito sa mga susunod na araw.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.