ALAMIN: Seguridad sa Batasang Pambansa bago ang SONA 2018

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2018 02:04 PM

Hindi na basta-basta makapapasok sa loob ng Batasang Pambansa Complex ang mga tao sa higpit ng seguridad na ipinatutupad dito ilang oras bago ang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod sa mga nakapuwestong sundalo at pulis, may mga K9 unit ding nag-iikot sa paligid ng Kamara. 

Sa entrance pa lang ng South at North gates, dadaan sa maraming security procedures ang mga papasok.

Ang mga maglalakad papasok, hahanapan ng SONA ID o di kaya invitation bago payagang makalagpas sa gate.

Dadaan rin sila sa metal detectors bukod sa masusing manual bag inspection na gagawin ng mga pulis. 

Ang mga sasakyan namang pumapasok, iniisa-isa rin ng mga guwardiya. Bilang protocol, binubuksan ang sasakyan at iniinspeksiyon ang mga dalang gamit.

Ilang K9 units rin ang umiikot sa sasakyan para amuyin kung may kahina-hinalang bitbit ang papasok.

Bukod pa riyan, padadaanin din sa camera ang sasakyan para makita ang ilalim nito. 

May ipinatutupad rin na flow ng traffic sa North wing at South wing para sa mga magbababa ng mga bisita sa Batasan.

Inaasahang magaganap ang SONA alas-4 ng hapon. 

—Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.