Grupo ng mga nurse humingi ng paglilinaw hinggil sa dagdag-sahod

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 03:20 PM | Updated as of Jul 22 2020 04:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Naghihintay pa rin ng paglilinaw ang Filipino Nurses United mula sa Department of Budget and Management hinggil sa circular tungkol sa dagdag sahod para sa entry level na nurse sa pampublikong ospital. 

“Yung concern namin we forwarded yung written clarification sa DBM. We’re hoping na may reply na written para maintindihan kasi marami talaga ang nagalit nung tiningnan yung table parang nalito,” pahayag ni Jaymee de Guzman, national treasurer ng grupo. 

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo, pakiramdam umano nila nung una ay na-demote sila. 

“Ang nasa isip namin parang na-demote kami kasi yung table medyo nakakalito,” sabi ni de Guzman. 

Ayon kay de Guzman, sa table ng naturang circular ay nawala ang position ng Nurse 7. 
 
“Ang positions ng nurses sa government is hanggang Nurse 7,” pahayag ni De Guzman. 

Pareho rin aniya ang nakalagay na salary grade para sa Nurse 2 at Nurse 1 sa magkabilang panig ng nasabing table. 

“The intent is to improve the wages. Nag-set lang ng baseline entry level 15. The entry level 15 should be the base, but the other positions should follow sa increase,” paliwanag ni de Guzman. 

Samantala, patuloy namang itinataas ng grupo sa gobyerno ang hinaing nito kaugnay sa pagtanggap ng hazard pay at special risk allowance. 

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso ang Administrative Order No. 26 na nagbibigay ng P500 daily hazard pay para sa mga government personnel na pumapasok pa rin kahit may lockdown. 

Sumunod na buwan naman nang magbigay ang pamahalaan ng special risk allowance para sa public health frontliners kung saan pro-rated ito base sa bilang ng araw na pumasok ang health worker simula Marso 17. 

“Ang pakiramdam po naming mga nurses, lalo na yung mga na-expose mismo at naghawak ng positive COVID patients is P1,000 lang ba ang halaga namin. Parang insulto po sa amin yun, unlike sa ibang salary grade na mas mababa na hindi naman sila naka-expose mas malaki siyempre nakuha nila,” sabi niya. 

Dagdag ni de Guzman, marami na silang mga kasamahan sa San Lazaro Hospital ang nahahawa na rin ng virus. 

“Nababawasan po kami kasi patuloy pong maraming nagpopositibong employees,” sabi niya. 

Sa kabuuang 80 pasyenteng naka-admit ngayon sa ospital nila, nasa 60 sa mga ito ay kanilang mga empleyado. 

Dahil sa kakulangan sa manpower, inirereklamo rin nila ang pagbubukas ng bagong COVID-19 ward sa naturang ospital. 

“Nagbukas na po ng panibagong ward at kagabi napunuan na yung ward na inirereklamo namin na hindi handa kasi plastic lang takip ng mga pintuan ng mga pasyente,” kuwento niya. 

Bukod dito, isa pang ward ang binuksan din kung saan ang mga pasyente sa HIV ward ay inilipat sa isang gusali malapit sa Tuberculosis complex. 
 
“Napunuan na nila yung tinututulan namin nagbukas naman sila ng bago hindi ko alam kung sino tatao doon baka pasyente na rin nag-aalaga sa kanila,” sabi niya. 

Ikinakabahala rin nila na baka makompromiso ang kalusugan ng mga HIV patients dahil sa paglipat sa kanila. 

“Yung Multi-Drug Resistance separate ng konti sa pinaka-main TB ward, dun nilagay mga HIV patients. Talagang nagkalabo-labo ospital namin. Ang fear namin baka yung mga HIV, mahawa ng TB. Airborne po ang TB,” sabi niya. 

Nauna nang nagsagawa ng silent protest ang medical workers sa San Lazaro para maiparating ang kanilang mga hinaing sa management ng ospital.