'Mandurukot' natagpuang tadtad ng bala, nakabigti sa tulay

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 03:44 PM

Tadtad ng bala at nakabigti sa tulay ang katawan ng umano'y notoryus na mandurukot na si alyas "Dante" nang matagpuan ito ng pulisya sa Cebu umaga ng Lunes.

Ayon sa mga awtoridad, nakita ang nakabigting katawan ni Dante sa Mananga Bridge at may karatulang nagsasaad na, "Huwag tularan, mandurukot ako."

Nakagapos din daw ang mga kamay at paa ni Dante.

Sabi ni Police Capt. Nazarino Emia, deputy chief ng Talisay police, tila pinagbabaril muna ang biktima bago ito ibinigti. May mga basyo din ng bala na nakita sa tulay pero hindi pa tiyak ang kalibre nito.

Ayon sa pulisya, ilang residente ang nakarinig ng mga putok ng baril bandang alas-3 ng madaling araw.

Kilala rin umano sa lugar si Dante bilang notoryus na magnanakaw at drug pusher.

Sabi ni Emia, sisilipin nila ang lahat ng CCTV sa lugar upang matukoy kung sino ang responsable sa pagpatay kay Dante.


—Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.