Magsasaka, patay sa pamamaril sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 01:06 AM

TUMAUINI, Isabela - Patay ang isang magsasaka matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Lanna sa Tumauini, Isabela Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rodrigo Talusan, 38 taong gulang at residente ng nasabing barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakipaglamay ang biktima kasama ang kaniyang pamilya. Pauwi na silang mag-anak at nakasakay sa kuliglig na minamaneho ng biktima nang biglang pagbabarilin ng isang lalaking nakaangkas sa motorsiklo.

Agad ding tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.

Naisugod naman sa ospital ang biktima, pero idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang motibo ng pagpatay sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.