Cayetano bagong Speaker, Sotto nanatiling Senate President sa ika-18 Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 12:51 PM | Updated as of Jul 22 2019 08:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Inihalal nitong Lunes bilang House Speaker ng ika-18 Kongreso si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, alinsunod sa suhestiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay sa kabila ng espekulasyon na magkakaroon muli ng "kudeta" sa Kamara, na una nang pinalutang ni Davao City Rep. Paolo Duterte, panganay ng Pangulo.

Kinaumagahan bago ang botohan sa plenaryo, nagkaroon ng pulong sina Cayetano at Paolo kung saan naplantsa umano ang magiging desisyon ng mga kongresista.

Sa huli, si Paolo pa mismo ang isa sa nagnomina kay Cayetano.

"I nominate a leader who understands local and national governance. One who can breach the different branches of government. One who can ably and fearlessly represent the House of Representatives and the Philippines in the international arena," ani Paolo.

Bukod kay Cayetano, ipinasok din ang pangalan ni Manila Rep. Benny Abante Jr. sa pagka-House Speaker.

Pero sa huli, nanaig si Cayetano at nakuha ang 266 boto mula sa 297 mambabatas na nasa plenaryo. Nakakuha naman si Abante ng 28 boto. Ayon sa nakagawian, awtomatikong nagiging minority floor leader ang natatalo sa speakership. Pero hindi pa klaro kung totoo ito sa kaso ni Abante.

Dalawang mambabatas ang nag-abstain sa botohan.

Sa kaniyang talumpati matapos manumpa, sinabi ni Cayetano na sisikapin niyang bumuo ng maaasahang Kamara.

"We will do what is right so we will have a relevant, responsible, and reliable Congress," ani Cayetano.

Samantala, pinangalanan namang isa sa mga deputy speaker si Paolo at ang mga sumusunod na mambabatas:

• South Cotabato Rep. Ferdinand Hernandez
• Sorsogon Rep. Evelina Escudero
• Antique Rep. Loren Legarda
• ABONO party-list Rep. Conrad Estrella III
• Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay
• Antipolo City Rep. Roberto Puno
• CIBAC party-list Rep. Eddie Villanueva
• Pampanga Rep. Aurelio Gonzales
• Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel
• Camarines Sur Rep. LRray Villafuerte

Sa ilalim ng suhestiyon ng Pangulo, may term-sharing o hatian sa termino ng pagka-House Speaker sina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Maaalalang noong mga nakaraang linggo ay nagkaroon ng agam-agam na mauulit ang "kudeta" sa liderato ng Kamara gaya ng naganap noong isang taon sa pagitan nina Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

SENADO

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Senado naman, tulad ng inaasahan ay muling ibinoto bilang Senate President si Sen. Vicente Sotto III.

Walang naging balakid sa pagkakapili kay Sotto dahil walang ibang nominado sa posisyo.

Viva voce ang botohan, o sabayang bibigkasin ng mga senador ang kanilang boto.

Hindi naman nakaboto si Sen. Leila de Lima na nakapiit, at si Sen. Manny Pacquaio na hindi nakauwi mula Amerika dahil sa boxing match kontra Keith Thurman.

Sa kaniyang talumpati matapos maluklok, sinabi ni Sotto na ipagpapatuloy nila ang pag-iingat sa tiwala ng mamamayan sa Senado.

"We will continue to nourish the trust and confidence that our country has bestowed on us by ensuring that this Senate will remain cooperative but independent, balanced, transparent, and sincere," ani Sotto.

Ito na ang ika-2 kongreso na uupo si Sotto bilang Senate President.

Samantala, balik-puwesto rin sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senate Majority Leader Miguel Zubiri.

Gayundin si Senate Minority Leader Franklin Drilon, na nangako ng patuloy na "mapagbantay" na oposisyon sa Senado kahit 4 na lang sila.

"We expect to continue the fiscalizing role that we played under the 17th congress," ani Drilon.

Maliban sa isyu ng Senate leadership, plantsado na rin umano ang usapin sa committee chairmanship, sabi ni Sotto.

Si Sen. Imee Marcos na daw ang hahawak sa Senate committee on electoral reforms at si Sen. Pia Cayetano naman sa ways and means.

Matapos ang paghirang sa mga opisyal ng Senado, agad sinuspende ang sesyon para mapaghandaan ang ika-4 na State of the Nation Address ni Duterte.


—May ulat nina Sherrie Ann Torres at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.