3 lalaki timbog sa marijuana sa QC

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 09:20 AM

MAYNILA - Kalaboso ang 3 lalaki matapos mahulihan ng mga bloke ng marijuana sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Nagtatrabaho bilang tricycle driver ang isa sa mga suspek, habang tindero naman ang isa sa mga naaresto. Wala namang trabaho ang isa nilang kasamahan.

Nahuli ang mga lalaking suspek sa gitna ng pagroronda ng mga barangay tanod, ayon sa paunang imbestigasyon.

Ayon kay Joey de Leon, purok leader ng Barangay Commonwealth, napansin nila ang 3 lalaki na nag-iinuman sa isang abandonadong lugar sa tabi ng Litex Road. 

Nang sitahin at kapkapan ang mga suspek ay tumambad sa kanila ang nasa 120 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P24,000.

Aminado ang mga suspek na gumagamit sila ng ilegal na droga pero iginiit nila na hindi sa kanila ang mga nakumpiskang marijuana. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.