Marikina, isinailalim sa state of calamity kasabay ng pag-ulan; 5,000 lumikas

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2018 07:14 PM | Updated as of Jul 23 2019 03:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinailalim nitong Linggo sa state of calamity ang lungsod ng Marikina kasunod ng malakas na buhos ng ulan at pagbahang dulot ng habagat at bagyong Josie.

"Sa pamamagitan ng pagdedeklara ng state of calamity ay mapapabilis natin 'yong relief and rehabilitation efforts natin," ani Marikina Mayor Marcy Teodoro.

Nasa 1,200 pamilya o higit 5,000 indibiduwal ang inilikas at nananatili sa mga evacuation center, batay sa tala ng Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) bandang alas-singko ng hapon.

Nananatili sa ikalawang alarma ang Marikina River dahil sa antas ng tubig nitong nasa 15.8 metro.

Sa tala ng Marikina CDRRMO, umabot sa 193 milimetro ang rainfall nitong Linggo ng madaling araw, ang pinakamataas na volume ng ulan nitong linggo na sanhi ng pagtaas ng tubig sa ilog.

Isinara naman sa mga motorista ang Riverbank Road.

Kinansela na rin ang pasok sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod sa Lunes, Hulyo 23.

May 17 evacuation center na hinanda ang pamahalaang lokal sakaling dumami pa ang evacuees.

Watch more in iWant or TFC.tv

ABOT-DIBDIB, LAGPAS-TAONG BAHA

Samantala, nakaranas naman ng abot-dibdib at lagpas-taong baha ang ilang residente sa Quezon City dahil sa magdamag na malakas na buhos ng ulan.

Nagmistulang ilog ang kahabaan ng West Riverside sa Barangay Masambong matapos umapaw ang katabing creek ng kalsada.

Umapaw rin ang Muñoz Creek sa EDSA na naging sanhi ng abot-dibdib na baha sa mga kalapit na lugar, partikular sa Roosevelt Avenue sa Barangay San Antonio at Barangay Del Monte.

Bangka naman ang ginamit ng mga barangay official ng Barangay Katipunan para mailikas ang nasa 200 pamilya.

Nakaranas din ng abot-dibdib na baha ang Barangay Sto. Domingo, at Araneta Avenue sa kanto ng E. Rodriguez Sr. Avenue.

Sa kabila ng pagragasa ng tubig sa creek sa E. Rodriguez, may ilang mga mangangalakal na nagawa pang mag-abang ng mga mapakikinabangang basura mula sa creek.

-- Ulat nina Angel Movido at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.