Mabagal na transaksiyon sa LTFRB Region 8, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 04:15 PM | Updated as of Jul 22 2017 07:24 PM

Paano nga ba uusad nang maayos at mabilis ang mga transaksiyon sa isang ahensiya ng pamahalaan kung wala ang mga namamahala dito?

Inireklamo ng isang school service operator mula sa Tacloban na si alyas 'David' ang opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 8. 

Daing ni 'David', walang nakaupong direktor sa regional office ng ahensiya, kaya kailangan pang ipadala sa LTFRB Region 7 Office sa Cebu ang mga dokumentong kailangang mapirmahan. 

Nagreresulta aniya ito ng pagbagal sa pagpoproseso ng mga dokumento at iba pang transaksiyon. Lubhang nakaaapekto umano ito sa maliliit na negosyo katulad ng kay 'David'.

Idinulog ng 'Tapat Na Po' sa LTFRB main office ang problema ni 'David' pero idinipensa nila ang pagpapadala ng mga dokumento sa Cebu.
 
“‘Yon ‘yong paraan at least magalaw ‘yung papers ng Region 8 considering ‘yung limitation,” ani Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita ng LTFRB.

Aminado naman ang pamunuan ng LTFRB na naantala ang pagproseso ng mga dokumento ng may transport business sa Region 8.

“Humihingi kami ng paumanhin... The president [has] to appoint another regional director, at least to be able to give ‘yung mga from Tacloban, true and genuine public service,” ani Lizada

Sa impormasyon ni Lizada, may itinalaga na ang Malacañang bilang LTFRB Region 8 head. Hinihintay na lang aniya ang paglabas ng appointment paper.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.