Reklamo ng OFW: Retirement claim sa Pag-IBIG, inabot ng 6 buwan pagproseso

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2018 06:01 PM | Updated as of Jul 22 2018 12:34 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait ang namroblema sa bagal ng pagproseso sa kaniyang retirement benefit mula sa Pag-IBIG Fund.

Ipinakita ni Noel Maglupay sa "Tapat Na Po" ang patunay na Enero 2018 pa siya nag-claim ng benepisyo sa ahensiya. 

Mahigit 60-taong gulang na kasi siya kaya puwede na niyang kubrahin ang lahat ng naihulog niya sa Pag-IBIG Fund.

Pero inabot na ng Hulyo, wala pa ring napapala ang OFW, na ngayon ay nakabakasyon lang sa Pilipinas.

"Pumunta na ko sa Pag-IBIG office sa Makati... Sinabihan nila ako na ang aking claim ay may dalawa pang kompanya ang may problema at di pa nila na-process ang aking contribution. Sinabihan nila ako na ira-rush daw ang aking claim pero baka daw matapos sa loob ng isang buwan," hinaing ni Maglupay.

Pagtataka ni Maglupay, bakit isang buwan pa siyang maghihintay kung Enero pa lang ay naka-file na siya ng claim?

Idinulog ng Tapat Na Po sa Pag-IBIG Fund ang problema ng OFW at napag-alamang iba-ibang sangay pala ng ahensiya ang pinaghulugan ng kontribusyon niya.

"So kailangan din ito i-consolidate muna. Kailangang suyurin pa kasi naabutan na siya ng migration namin to our new system. Two processes—migration and then consolidation—so it took us about 6 months," paliwanag ni Kalin Franco-Garcia, vice president for public relations & information ng Pag-IBIG Fund.

Nitong Hulyo 17, ganap nang na-isyu ang cheke ni Maglupay.

May paalala naman ang Pag-IBIG Fund sa mga miyembro para maging mabilis ang processing time ng pag-claim ng benepisyo.

"Please make sure lang na tama ang membership ID niyo at please make sure also na iisa lang ang membership ID niyo. Also when we ask for your employment history, sana po kumpletuhin," ani Franco-Garcia.

Ayon sa Pag-IBIG Fund, mahigit 95 porsiyento na ng 30 milyong miyembro nila ang naayos na ang record pero may ilang libo pa rin ang may problema sa datos.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.