Trending ulit? Gown ni Nancy Binay para sa SONA 2019 idinetalye

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 04:52 PM

MAYNILA — Bukod sa pagbubukas ng bagong Kongreso at ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa estado ng Pilipinas, isa rin sa pinakaaabangan tuwing State of the Nation Address (SONA) ay ang kasuotan ng mga mambabatas.

Sa nakalipas na 3 taon, palaging pinupuntirya ng netizens ang mga agaw-eksenang fashion statement ni Sen. Nancy Binay, dahilan para lagi itong mag-trending.

Noong 2018 ay suot ni Binay ang isang asul na Randy Ortiz gown na saktong tumerno sa carpet ng Senado.

Noong 2017 naman, inihalintulad ang outfit ng senadora sa isang binaliktad na parachute.

Sa darating na SONA sa Lunes, si Ortiz muli ang gagawa ng gown ni Binay — isang classic terno na gawa sa piña cloth na may callado cut work at baroque embroidery details.

Si Ortiz din ang gumawa ng susuotin ni Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez na isang semi-serpentine column terno gown.

Simple at walang masyadong burloloy naman ang white Filipiniana na susuotin ni Sen. Grace Poe, na likha ni Paul Cabral.

Protesta naman sa isyu ng West Philippine Sea ang mensahe ng susuoting barong ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Samantala, may inihanda namang gown para kay Jinkee Pacquiao at barong para kay Sen. Manny Pacquiao ang designer na si Michael Leyva sakaling makahabol sila sa SONA mula Las Vegas para sa laban ni Pacman sa Linggo.

—Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.