Higit 500 traffic enforcers ipakakalat sa QC para sa SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 08:14 PM

MAYNILA - Mahigit 500 traffic enforcers ang ide-deploy para sa ika-4 na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, ayon sa Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City.

Pupuwesto ang mga enforcer sa Commonwealth Avenue, Batasan Road, at sa mga kalapit na lugar nito.

Nagsagawa na rin ng clearing operations ang mga awtoridad sa paligid ng Batasang Pambansa.

Ipinatupad naman ng Quezon City Police District (QCPD) ang traffic rerouting at alternates routes para sa mga motoristang dadaan sa Commonwealth Avenue - na isa sa mga pangunahing tagusan patungong Batasang Pambansa.

Magkakaroon din ng partial closure at pagpapatupad ng zipper lane sa bahagi ng Commonwealth Avenue northbound kaakibat ng SONA.

Sakaling may mangailangan ng tulong medikal, magkakaroon ng first aid tents ang QC Disaster Risk Reduction and Management Office sa Saint Peter Church at Batasan Police Station.

Kaakibat ng pagtatalumpati ni Duterte, inaasahan ang kabi-kabilang kilos protesta ng mga grupo na nais ihayag ang kanilang hinaing ukol sa estado ng bansa.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.