Dating pulis sa Calamba na nakaistambay sa labas ng bahay pinagbabaril

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 05:13 PM

Patay ang dating pulis na nakatambay lang sa labas ng kaniyang bahay matapos itong pagbabarilin ng lalaking angkas ng motorsiklo. Retrato mula kay Karren Canon, ABS-CBN News

CALAMBA CITY, Laguna — Patay nitong Sabado ng umaga ang isang retiradong pulis matapos siyang paulanan ng bala habang nakatambay sa labas ng kaniyang bahay sa Purok 4, Barangay Turbina sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktima na si Nuluddin Uddin, 56, at isang retiradong pulis. 

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang krimen bandang 9:30 ng umaga habang nakaupo si Nuddin sa harapan ng kaniyang bahay. 

Sakay umano ng motorsiklo ang nagpaulan ng bala sa biktima. Hindi pa tukoy ang kalibre ng baril na ginamit.

Isinugod pa sa Calamba Medical Center ang biktima pero dead-on-arrival na ito. 

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga salarin. Tinutukoy pa rin ang motibo sa pamamaril sa dating pulis. —May ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.