ALAMIN: Kailan magiging epektibo ang tapyas-singil sa tawag at text

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 08:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinasabing pinakamakikinabang sa bagong interconnection rate na ipinatupad ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga Pinoy na gumagamit pa rin ng 2G phones.

Ayon kasi sa datos ng NTC, 25 milyon units pa ng 2G phones ang na-monitor nilang aktibo sa bansa. 

Ngayong Biyernes ilalathala ang naturang memorandum ng NTC at matapos ang 15 araw, bibigyan ng karagdagang 20 araw ang mga telco upang ipatupad ang adjustments sa kanilang sistema.

MAGKANO ANG TAPYAS?

Sa ilalim ng memorandum, ibinababa sa P0.05 ang singil sa bawat text mula sa P0.15 habang ang tawag naman ay P0.50 bawat minuto na mula sa P2.50 singilan.

Ibig sabihin, ang 33 text at 2 minutong tawag sa bawat P5 regular load ay magiging 100 text at 10 minutong tawag na kapag umepekto na ang memorandum.

"Iyong phones na call and text lang kasi ang telepono nung iba nating kababayan lalo na yung mga nasa mababang antas ng economic class," paliwanag ng NTC Deputy Commissioner na si Edgardo Cabarios.

Ngunit ayon sa NTC, malabo pa raw na ibaba ang singil sa data services sa bansa. 

Klinaro rin ng NTC na hindi malulugi ang mga telco sa pagkaltas ng interconnection rates. 

"Negligible 'yung impact niyan sa kanilang revenues," paniguro ni NTC deputy commissioner Edgardo Cabarios.

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.