A work in progress: Delay sa text alerts inamin ng NDRRMC

Aleta Nieva-Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 11:41 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Inamin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi pa perpekto ang sistema ng text blast advisory tungkol sa lagay ng panahon o kalamidad.

Nagsuspinde ng klase ang ilang mga lugar, kabilang na ang Metro Manila, ngayong Biyernes dahil sa inaasahang masamang panahon dulot ng hanging habagat na pinalakas pa ng bagyong Inday.

Pero ang advisory ng NDRRMC na pang alas-5 ng madaling araw hinggil sa orange rainfall warning alert sa Metro Manila at Cavite ay natanggap ng marami mag-aalas-9 na ng umaga. Habang ang pang alas-2 ng madaling araw na text alert ay dumating ng pasado alas-5 ng madaling araw.

Bagama't may mga pagkakataong dumarating sa tamang oras ang advisory, aminado si NDRRMC spokesperson Director Edgar Posadas na nahuli nga ito ngayong Biyernes.

"This is a work in progress," ani Posadas.

"Kanina nga pong umaga may delay nga po at ito nga po ang ginagawa ngayon, patuloy kaming nakikipagusap kung paano namin i-improve," sabi niya.

Sa panayam sa Failon Ngayon sa DZMM Biyernes ng umaga, ipinaliwanag ni Posadas ang proseso hinggil dito.

"In this case, dahil tag-ulan ito, bagyo, ito po ay galing sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration). Ibinibigay po sa aming operations center at ito ay tina-translate natin sa mga messages. Siguro matagal na 'yung 10 minutes na maiproseso 'yun tapos ibinabato 'yun sa mga telcos for dissemination," ani Posadas. 

Dagdag ni Posadas na dalawa ang sistemang dinadaanan ng impormasyong ibinababa sa publiko. Ang mga ito ay ang cell broadcast system at ang SMS o short messaging system.

"Kaya bumababa pa rin tayo doon sa older technology ng SMS kasi po hindi lahat ng ating kababayan ay capable 'yung telepono para doon sa sinasabi nating cell broadcast system," dagdag niya.

Nangako naman si Posadas na patuloy silang naghahanap ng paraan kung paano pa mas mapapabuti ang serbisyo.

"Hindi po namin sinasabi na perpekto ito. We are trying to improve and utimately ang ating goal dito ay kaligtasan ng ating mamamayan," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.