Mga kaanak ng sanggol na pinatay at ginahasa, nanawagan ng hustisya

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 06:41 PM | Updated as of Jul 19 2019 11:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napapaluha pa rin ang lola ni alyas "Mike" tuwing naaalala ang pagiging malambing ng kaniyang 1 anyos na apo.

Nadiskubre ng lola ang bangkay ni Mike nitong Miyerkoles sa ilalim ng mga kahoy sa loob ng tinitirhang abandonadong gusali sa Makati, na hubo’t hubad at posibleng ginahasa.

"Kung alam ko lang na mamamatay ka, sana tinali na lang kita sa katawan, sininturon ko na lang sana 'yung bata," sabi ng lola.

Sa burol ni Mike sa gilid ng kalsada, nagtitimpla pa rin ang mga magulang niya ng gatas para sa kaniya kada dalawang oras.

Nakapatong ito sa kaniyang ataul kasama ng mga paborito niyang pagkain.

Nasa trabaho ang mga magulang ni Mike noong gabing nawala ang bata. Nabalot sila ng pagsisisi na hindi nila nakita ang anak bago ito mamatay.

"Sana po hindi ko na lang siya iniwan. Sana po hindi nangyari iyon," kuwento ng ina.

Kinasuhan na ng rape with homicide ang 28 anyos na construction worker na si Gerald Reparip, na binisita ng lolo ni "Mike" noong kaarawan nito at umamin umano sa krimen.

Pero ayon sa tatay ni Mike, hindi niya kilala ang suspek.

"Hindi ko nga po siya kilala, nagulat na lang ako na ayan ang suspek. Sabi ko sa isip ko, first time nito pumunta rito ba't nakagawa nang ganu'n iyon," aniya.

Kinondena ng Commission on Human Rights ang pagpatay at nangakong babantayan ang kaso laban sa suspek.

Ikinagalit din ng Malacañang ang nangyari kay "Mike." Pero anila, patunay raw ito ng mga epekto ng droga.

"Ayan ang matagal nang sinasabi ng presidente, these drug syndicates are destroying the fabric of our society," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Sinagot na ng lokal na pamahalaan ang gastos sa burol at sa pagpapalibing ni "Mike" na nakatakda sa Linggo.

Pero para sa pamilya, hindi basta-basta maibabaon ang panlulumo na idinulot ng brutal na pagkamatay niya.

--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.