'Build Build Build maaaring di makompleto hanggang 2022'

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 11:13 PM

File photo

Malalang trapiko ang isa sa mga nais tugunan ng programang "Build, Build, Build" ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

"We will make the next few years the 'golden age of infrastructure' in the Philippines to enhance our mobility and connectivity," sabi ni Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong 2017.

Sa pinakahuling tala, 35 flagship infrastructure projects na ang inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) board.

Ito ang mga proyektong sisimulan pa lang sa ilalim ng administrasyong Duterte. 

May total cost na P1.24 trillion ang mga proyektong ito, malayo pa sa target ng gobyerno na P8 trillion.

Para kay Rene Santiago, consultant para sa iba't ibang infrastructure projects sa Pilipinas at ibang bansa, malabong maabot ang target na ito. 
 
"Politics like to talk about dreams," ani Santiago na presidente rin ng Bellweather Advisory Infrastructure Development Consultancy. "'Yong P8 trillion na target, my guess, they'll be lucky to hit P5 trillion by the end of 2022. That's luck."
 
Karamihan ng mga proyekto nasa Metro Manila, tulad ng Metro Manila Subway na pinakamalaki sa listahan.

Sa fourth quarter pa ng taon makokompleto and disenyo at build contract at sa 2022 pa inaasahan maging operational ang unang segment.

Ang PNR North 2 o riles na magkokonekta sa Malolos at Clark Airport ay sa Enero 2019 pa makokompleto ang engineering design.

Nariyan rin ang Binondo-Intramuros bridge na kinokompleto pa rin ang design, at inaasahang maumpisahan ang construction sa darating na Oktubre.

Sa Visayas, may apat na proyektong may total cost na 
P63 billion.

Sa Mindanao, may anim na proyekto na may P140 billion na total cost. 

Kasama rito ang Mindandao Rail System na inaasahang umpisahan ang construction sa Disyembre. 

Kung susumahin, 19 na proyekto ang nasisimulan, apat dito nag-groundbreaking na. 
 
Ang presidente mismo pinuna ang mabagal na pag-usad ng mga proyekto. 

"So I would like to call the attention of the secretaries, especially [DPWH] Secretary [Mark] Villar, that if there is any slippage of any work of any kind by the national government... 'yang project mo pagka pumalpak, I will hold the secretary responsible," ani Duterte sa isang talumpati noong Hulyo 6.

"'Yong ibang contractor, hindi rin nila kaya tapusin 'yong project, dahil kulang sila sa equipment, minsan dahil kulang sa kapital, also may delays dahil sa right of way issues," paliwanag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.
 
Para kay Santiago, masyado kasing ambisyoso ang programa ng gobyerno.
 

"'Yong 1,900 kilometers of railway na sinasabi ng DOTR matatapos nila by 2022, the best that can be completed is 100 kilometers, and all of these because they were started before Duterte stepped in," ani Santiago.

Aminado si Finance Secretary Sonny Dominguez na maraming prosesong kailangan kompletuhin bago masimulan ang mga proyekto, gaya ng bidding at mga audit. 
 
"This is the public money, and the public, through legislation has required the government, any government in the world, to follow certain procedures, and those procedures can be tedious and can be long but they are required," sabi ni Dominguez.

"I'm not making any excuses. We're just trying to go as fast as we can."

Dagdag ni Dominguez, hindi naman lahat ng project delayed gaya ng New Clark City na isa sa model projects na binabandera ng gobyerno ngayon. 

-- Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.