14 na menor de edad nasagip, 4 tiklo sa prostitusyon sa Maynila

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 02:09 AM | Updated as of Jul 22 2019 12:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Nasagip ng mga awtoridad ang 14 na menor de edad na biktima umano ng prostitusyon sa magkahiwalay na entrapment operation sa Santa Cruz, Maynila Miyerkoles ng gabi. 

Nahuli naman ang 4 katao na itinuturong nambubugaw sa mga batang babae.

Unang sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Human Trafficking Division ang isang motel kung saan dinala ang 8 biktimang sakay ng isang van.

Naaresto rito si alyas Loren, 28-anyos, na nagturo naman sa 2 pa niyang kasamahan.

Kuwento ni Loren, napasok siya sa pambubugaw dahil sa pangangailangan ng pamilya.

Nasa P1,500 hanggang P5,000 aniya ang karaniwang binabayad sa mga biktima. Kumikita naman siya ng P300 bilang porsiyento.

Itinanggi naman ng 2 kasamahan ni Loren na sangkot sila sa ilegal na gawain.

Samantala, nahuli ng mga operatiba si alyas Angel, 18-anyos, sa hiwalay na operasyon sa isang hotel.

Nasagip naman dito ang 6 na menor de edad.

Depensa ni Angel, nagpasama lang umano ang mga biktima sa kaniya papunta sa hotel.

Ililipat sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktima.

Mahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, at Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang mga naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.