#RealNumbersPH: Gobyerno itinama ang datos ukol sa war on drugs

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 10:30 PM

Itinama nitong Huwebes ng pamahalaan ang nauna nilang inilabas na datos ukol sa madugong kampanya kontra droga na umarangkada noong 2016.

Sa "Real Numbers PH" presentation ng sari-saring ahensiya ng gobyerno, sinabi nilang 5,526 ang napatay sa mga operasyon kontra droga simula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, 2019.

Mas mababa ito kumpara sa bilang ng Philippine National Police (PNP) na 6,600, na inilabas nila noong nakaraang buwan. 

Nilinaw naman ng PNP ang pagkakaiba sa mga datos.

"Whatever the discrepancy is, it is not very easy to review the folders one by one. On our part, it is. Pero we leave it to PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) to validate our operations," sabi ni Police Lt. Col. Kimberly Molitas, PNP deputy spokesman. 

Sa parehong panahon, higit 193,000 na din ang naaresto sa mga drug ops, 7,054 dito ang maituturing na high-value targets.

Nakumpiska naman ang nasa P35 bilyong halaga ng droga.

Pero ang isang human rights group, sinabing mali ang pananaw ng gobyerno. 

"Ang kinukuwestiyon ay 'yung pamamaraan ng gobyerno na gawin ito... May due process na hindi nasusunod," sabi ni Carlos Conde ng Human Rights Watch. 

Mas mahalaga raw na tutukan ngayon ang pananagutan ng mga nasa likod ng pagpatay kaysa mga datos.

"Ang issue dito ay dapat tutukan kung ilan na ang naparusahan sa batas na mga pulis na may kinalaman sa pagpatay na ito," sabi ni Conde. 

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.