2 Russian, 4 Pinoy dawit sa tangkang pagnanakaw ng P28-B sa diplomat

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 06:40 PM | Updated as of Jul 18 2019 09:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog ang 2 Russian national at 4 Pinoy matapos umano nilang tangkang nakawan ng €500 milyon ang isang diplomat sa pamamagitan ng ninakaw na credit card nito.

Nitong Huwebes ay sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang hotel room sa Pasay kung saan naabutan ang 6 na suspek.

Batay sa imbestigasyon, lumapit ang mga suspek sa isang negosyanteng Australian upang magamit ang kaniyang point of sale (POS) terminal o ang makinang gamit para mabasa ang credit card.

Nais umano ng 6 na maglipat ng €500 milyon mula sa isang credit card, na kalauna'y natukoy na pagmamay-ari pala ng isang diplomat. Katumbas ito ng P28,695,000,000 sa kasalukuyang palitan na P57.39.

Sabi ng Australian na nagsumbong, nag-alok ang anim ng P1 milyon at 40 porsiyento ng malilipat na halaga kapalit ng paggamit sa kaniyang POS terminal.

"[They] didn't sound credible. I thought this was a scam, [it was] too good to be true," sabi ng nagsumbong na si alyas "Timmy."

Sa imbestigasyon, nanakaw ng isang Russian na babae mula sa diplomat ang credit card nang magbakasyon ito sa Pilipinas.

"We are identifying kung escort or kung kasama ba siya sa malaking sindikato," sabi ni NBI International Operations Division chief Ronald Aguto Jr.

Tumanggi namang magsalita ang 4 na Pilipino, kabilang ang isang dating taga-Armed Forces of the Philippines. Ayon sa NBI, sila ang nagtulay sa mga Russian sa negosyante para malipat ang pera.

Paniwala ng NBI, target ng grupo ang mga foreigner. Iniimbestigahan din kung modus ba ito sa money laundering.

Kulong ang 6 na suspek sa paglabag sa credit card law.

Nakikipagugnayan naman ang NBI sa Bureau of Immigration sa status ng 2 Russian.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.